Ngayong gabi ako ay susulat ng kauna-unahan kong blog sa wikang Filipino. Ang daming nangyari ngayong araw kaya naisipan kong magsulat, at pinili kong gumamit ng wikang Filipino para malimitahan ang mga makakaintindi ng blog kong ito (para sa ngayon lang).

Kaninang umaga pumasok ako sa opisina. Na-late ako ng isang minuto, pero ayos lang kasi ang dami ko ring trabaho kapag Lunes (expected kong mag-extend nang kaunti). Nung weekend palang naghahanda na ko sa mangyayari ngayon araw. Sinubukan kong ihanda ang sarili ko, pero minsan pala kahit anong paghahanda ang gawin mo, hindi rin laging sapat. Parang kanina, hindi naging sapat. Pero naisip ko, baka sapat naman, umasa lang ako sa ibang kahihinatnan. Pinilit kong hindi umasa, na parang wala lang, pero hindi ako nagtagumpay kasi meron.

Marahil hindi lahat ng sisi ay para sa iba. Minsan galing din ito sayo, sa pagkatao mo, sa paniniwala mo, sa kultura. Hindi sa lahat ng bagay may makakaunawa. Akala ko noong una magiging mas madali pero ang hirap din pala. Akala ko malakas, malalim, pero sa isang iglap, naglaho. Naglaho na parang walang nabuo, walang naibahagi, walang napagsamahan. Baka nga naman wala. Kailangan rin siguro humakbang pabalik para makita ng mga mata ang katotohanan. Gagawin ko iyon sa susunod.

Kahit pa may mga nawala at hindi na bumalik, mananatili parin ang mga alaala. Kahit pa parang nakalimutan na, nasa isip parin ang masasayang sandali. May lungkot man, bukas malay natin okay na ang lahat. Hindi man puno ng saya, atleast magandang simula ito upang humakbang lang nang humakbang hanggang makalayo, hanggang mawala na sa isip ang mga bagay na mahalaga ngunit hindi rin naman talaga lumagi.


Advertisements